
Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na 19 na website ng mga ahensiya ng pamahalaan ang hinack kasabay ng mga kilos-protesta kahapon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Malacanang press briefing sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda, binago lamang ng mga hacker ang itsura at logo ng ilang site kabilang ang sa Department of Education (DepEd), Bureau of Customs (BOC), isang unit ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at mismong DICT.
Dagdag pa niya, agad naibalik ang kontrol sa mga naturang website at walang sensitibong impormasyon ang nakuha o nanakaw.
Tiniyak ni Aguda na ligtas at kontrolado ang cyberspace matapos mapigilan ang mas malalang pag-atake sa pamamagitan ng Oplan Cyberdome na isinagawa ng gobyerno katuwang ang mga telco, social media platforms, cyber community at pribadong sektor.
Giit ng DICT, ang naapektuhang 19 na website ay maliit na bahagi lamang kumpara sa kabuuang 60,000 government websites at apps sa bansa.









