
Umabot sa 190 wanted persons ang naaresto ng kapulisan sa Rehiyon 1 matapos ang pinaigting at tuloy-tuloy na law enforcement operations noong Disyembre 2025, bilang bahagi ng kampanya laban sa kriminalidad at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Ayon sa Police Regional Office 1 (PRO 1), naisakatuparan ang mga pag-aresto sa pamamagitan ng masusing pagpapatupad ng mga warrant of arrest. Sa kabuuan ng mga naaresto, kabilang ang 4 Regional Most Wanted Persons, 3 Provincial Most Wanted, 2 City Level Most Wanted, at 17 Municipal Level Most Wanted Persons, bukod pa sa 164 iba pang indibidwal na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon 1.
Binigyang-diin ng PRO 1 na ang tagumpay ng mga operasyong ito ay naaayon sa mga direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Juanito Victor C. Remulla, at Acting Chief ng PNP na si PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., na layong palakasin ang pagpapatupad ng batas, itaguyod ang pananagutan, at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Sa isang pahayag, sinabi ni PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO 1, na patuloy nilang paiigtingin ang kanilang mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Rehiyon 1.
Patuloy naman ang panawagan ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mas mapabilis ang pagtugis at pag-aresto sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na gawain.









