192 PUNO SA PANGASINAN CAPITOL COMPLEX, SINIMULAN NANG PUTULIN

Sinimulan na ang pagputol sa 192 puno sa paligid ng Provincial Capitol Complex sa Lingayen, Pangasinan, bilang bahagi ng isinasagawang redevelopment plan ng lugar.

Aprubado mismo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naturang hakbang, kung saan tinukoy ng ahensya na humigit-kumulang 80 porsyento ng mga puputulin ay invasive o exotic species na hindi nakatutulong sa lokal na ecosystem.

Kabilang dito ang 62 mahogany, 64 acacia mangium, 26 gmelina, at 2 acacia auri.

Ayon sa DENR, maaaring makaapekto rin ang mga ito sa kalidad ng lupa at maging hadlang sa paglago ng mga native forest sa bansa.

Samantala, sinabi ni Pangasinan Native Trees Enthusiast President at Founder Celso Salazar na humigit-kumulang 35 sa mga puputuling puno ay mga native species na kanilang hiniling na mailipat.

Batay sa patakaran, bawat planted tree na pinutol ay papalitan ng 50 bagong puno, samantalang 100 naman para sa bawat naturally growing tree.

Tinatayang aabot sa 9,600 puno ang ipagkakaloob bilang kapalit ng mga pinutol.

Bagaman may ilang nangangamba sa posibleng epekto nito sa pagbaha, tiniyak ng mga awtoridad na kasama sa proyekto ang pagtatayo ng drainage system upang mapanatili ang maayos na daloy ng tubig.

Facebook Comments