Tinapos na ng Department of National Defense (DND) ang 31-taong kasunduan na nilagdaan nila kasama ang University of the Philippines (UP) noong 1989 na nagbabawal sa state forces na pumasok sa bisinidad ng mga unibersidad.
Ang UP-DND accord, o mas kilala bilang ‘Soto-Enrile’ Accord ay nilagdaan noong June 30, 1989 ng student leader na si Sonia Soto at Noon ay Defense Minister na si Juan Ponce Enrile kasunod ng mga insidenteng nawawala ang mga estudyanteng aktibista sa mga UP campuses noong panahon ng Martial Law.
Sa sulat na ipinadala kay UP President Danilo Concepcion na may petsang January 15, 2021, sinabi ni Lorenzana na ipinapawalang bisa na ang DND-UP accord.
Paliwanag ng kalihim, nagtatakda kasi ang kasunduan ng limitasyon kung saan ang mga pulis at sundalo ay hindi pinapayagang pumasok sa campus na walang pahintulot mula sa UP Administration.
Alam ng DND na mayroong nagpapatuloy na recruitment ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) sa mga estudyante sa loob ng mga campus ng UP sa buong bansa.
Dagdag pa ni Lorenzana, nagiging hadlang lamang ang kasunduan para mapigilan ang mga puwersa ng gobyerno na magsagawa ng anti-communist operations sa loob ng UP campuses.
Sinasamantala lamang ang kasunduan para gawing proteksyon o propaganda ng CPP-NPA.
Bilang bahagi ng national security at kaligtasan ng mga estudyante, tuluyan nang winawakasan ng DND ang kasunduan para magampanan nila ang kanilang legal na mandato na protektahan ang mga kabataan laban sa mga komunista.
Paglilinaw ni Lorenzana, hindi magtatalaga ng militar o pulis sa loob ng UP campuses kahit ibinasura na ang kasunduan.
Samantala, sa statement ng UP Office of the Student Regent, mariin nilang kinokondena ang hakbang na ito na layong panghimasukan ang academic freedoms at alisin ang safe spaces sa mga campuses.