Siniguro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson MGen. Edgard Arevalo na “On top of the situation” si AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana matapos ang pagbagsak ng C-130 plane ng Philippine Airforce (PAF) sa Patikul, Sulu kahapon.
Katunayan aniya ay nagtungo ngayong araw si Gen. Sobejana sa Sulu matapos ang trahedya na ikinasawi ng 47 sundalo at 3 sibilyan.
Tiniyak naman ni Arevalo na ibibigay ng AFP ang lahat ng benepisyo para sa mga pamilya ng nasawi at tulong para sa mga survivors.
Sa kasalukuyan, inaalam ng mga imbestigador kung bakit lumagpas sa runway ang C-130 plane na naging sanhi ng pag-crash nito.
Sinabi ni Arevalo, hindi brand new ang eroplano pero ito ay nasa magandang kondisyon.
Sa ngayon hinahanap pa ang black box o flight data recorder na makakatulong sa imbestigasyon.
Pagtitiyak ni Arevalo magiging transparent ang AFP sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.