Agad na pagpasa sa panukalang magtatanggal ng travel tax sa mga economy class passengers, pinamamadali ng isang senador

Hiniling ni Senator Raffy Tulfo ang agad na pagpapatibay sa panukalang batas na nagtatanggal sa travel tax para sa mga economy class passengers.

Puna ni Tulfo, patuloy na nagiging pasanin ng mga bumibiyahe sa economy class na may limitadong budget ang bayarin na travel tax.

Sa inihaing Senate Bill 88 ng senador, pinaaamyendahan ang Presidential Decree 1183 na bumuo sa Republic Act 1478 at Republic Act 6141 kung saan pinaaalis na ang bayarin sa travel tax sa mga pasahero ng economy class na babyahe saanmang panig ng mundo.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya tuluyang pinabubuwag ang travel tax kundi ipinalalatag lamang niya ang mas makatwirang sistema.

Ang travel tax ay sisingilin pa rin sa mga pasaherong bumibiyahe ng business class o mas mataas pa na may kakayahang pinansyal.

Facebook Comments