Alyansa ng Partido Federal ni PBBM at partido ng mga Villar, kasado na para sa 2025 midterm elections

Kasado na ang alyansa ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Nacionalista Party (NP) ni dating Senador Manny Villar para sa darating na 2025 elections.

Sinaksihan ni Pangulong Marcos ang paglagda sa alyansa ngayong araw sa Taguig City.

Present din sa event sina NP chairman at dating Senate President Villar, Sen. Cynthia Villar, Senador Mark Villar at Deputy Speaker Camille Villar, gayundin ang NP governors at mayors.


Ito na ang pang-apat na malaking partido sa politika na nakipag-alyansa sa PFP sunod sa Lakas-CMD, Nationalist People’s Coalition (NPC) at National Unity Party (NUP).

Ayon kay Pangulong Marcos, higit sa paghahanda sa midterm elections ay napakahalaga ng pagkakaisa ng mga lider para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Hangarin aniya ng mga partido na palakasin ang pundasyon ng bansa para sa ikabubuti ng lahat.

Sinabi naman ni NP National Director Senador Mark Villar na ang alyansang ito ay bilang pagsuporta sa reform agenda ng administrasyong Marcos, sa demokrasya, social justice, reporma at pag-unlad.

Facebook Comments