Aplikasyon sa mga special permit sa mga pampasaherong bus, mahigpit na inaaral ng LTFRB para ligtas ang mga bibiyahe sa Pasko at Bagong Taon

Patuloy pa ring binubusisi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang lahat ng aplikasyon para sa special permits na ipagkakaloob sa mga pampasaherong bus sa ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.

Sa ngayon, nasa mahigit 1,400 ang natanggap na aplikasyon para sa special permit ng mga bus na papasada sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, mas dumami kasi ang nag-apply para sa special permit ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

Ito ay dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.

Epektibo naman ang special permit simula December 15, 2025 hanggang January 16, 2026.

Una rito, sinabi ng LTFRB na kailangan nilang busisiing mabuti ang aplikasyon at papasa sa road worthiness inspections ang mga unit bago mabigyan ng special permits.

Hindi na bale umanong sumobra ang mga pampasaherong bus na mabigyan ng special permits huwag lamang magkulang.

Facebook Comments