Halos mapupuno na ang mga bed capacity para sa COVID-19 patient sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, nasa 235 mula sa 250 na bed capacity sa ospital ay okupado na ng mga pasyenteng mayroong COVID-19.
Sinabi ni Del Rosario na ang intensive care unit (ICU) ng PGH ay punong-puno pa rin kung saan karamihan sa mga pasyente ay nasa “severe at critical” na kondisyon.
Dagdag ni Del Rosario na sa kasalukuyan ay limitado pa rin ang manpower o tauhan ng PGH.
Iginiit naman ni Del Rosario na walang epekto sa sitwasyon ng PGH ang umiiral Na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang lugar sa National Capital Region (NCR) Plus.
Gayunman, patuloy ang ginagawang pagmomonitor ng PGH sa mga pasyente na nananatili sa ospital gayundin ang sitwasyon ng kanilang healthcare workers.
Matatandaan na ang PGH ay isa sa mga COVID-19 referral hospital sa Metro Manila kung saan dito dinadala at inaasikaso ang ilang mga indibidwal na nagpopositibo sa virus.