Sinita ni Finance Subcommittee Chairman Senator Cynthia Villar ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa hanggang ngayon na problema pa rin sa mababang nahuhuling isda sa bansa.
Sa budget deliberation, naitanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kung bakit ang Pilipinas na isang ‘archipelagic’ o pulo-pulong bansa na napaliligiran ng tubig ay nakararanas ng kakulangan sa isda.
Ayon kay BFAR Assistant Director for Operations Sammy Malvas, mayroon talagang pagbaba sa nahuhuling isda sa bansa bunsod na rin ng pagkasira ng mga resources at pagbabago ng dynamics sa karagatan.
Kabilang aniya sa mga dahilan ang pagbaba sa stocks, iligal na fishing practices tulad ng dynamite at cyanide fishing, encroachment sa ating karagatan at climate change.
Puna ni Villar, bakit hanggang ngayon ay problema pa rin ang mga nabanggit ni Malvas gayong 2016 ay nagpatibay ng batas laban sa illegal, unreported, unregulated fishing (IUUF) sa bansa.
Sinita ni Villar ang hindi epektibong pagpapatupad ng batas at ang mababang penalty na nakokolekta sa mga lumalabag na mula sa ₱100 million ay nasa ₱26 million lang ngayong taon.
Giit naman ni Pimentel, kung palagi na lang sisisihin ang pagbabago sa klima sa pagbaba ng resources sa dagat ay wala na aniyang mangyayari para masolusyunan ang nasabing problema.