Naging sentro ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at South Korea President Yoon Suk -Yeol sa Phonm Penh, Cambodia ang usaping pang-seguridad, imprastraktura, enerhiya at people-to-people exchanges.
Ang bilateral meeting ng dalawang lider ay sidelines sa ginaganap na 40th and 41st ASEAN Summit and related summits meeting sa Phonm Penh.
Sa pagpupulong, nagkasundo ang dalawang lider na palakasin ang bilateral relations para sa strategic partnership.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos na sa kanilang bilateral meeting ni South Korean President Suk Yeol, naglunsad sila ng bagong bilateral platforms patungkol sa science and technology, fisheries, and maritime cooperation na magreresulta ng mas malalim na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa South Korea dahil sa inisyatibo nitong makipagtulungan sa maritime security na mahalaga para sa paglalaan ng pondo sa iba’t ibang regional cooperative projects.
Kabilang sa inisyatibong ito ang Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) Fund of South Korea.
Taong 1994 nang mabuo ang BIMP-EAGA na layuning mapa-angat ang socioeconomic development para sa mga less developed, marginalized at geographically remote areas sa apat na nasabing bansa bilang bahagi ng pagpapaunlad nang kanilang ekonomiya.