Catanduanes nananatili sa Alert Level 4 dahil sa dami ng COVID-19 Delta cases

Pasok pa rin sa Alert Level 4 ang probinsya ng Catanduanes.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Catanduanes Governor Joseph Cua na mataas pa rin kasi ang aktibong kaso nila ng COVID-19.

Pangunahing dahilan aniya nito ay ang 27 kumpirmadong kaso ng Delta variant sa lalawigan na mabilis na nakakahawa.


Ani Gov. Cua, malaking hamon sa kanila ngayon ay ang ICU utilization dahil nag-iisa lamang ang COVID-19 referral hospital at dalawa lamang na maliliit na private hospital ang mayroon sila.

Sa ngayon ay nasa 82% na ang kanilang healthcare utilization rate.

Sa usapin naman ng quarantine facilities ay nananatili itong sapat sa ngayon.

Habang sa suplay naman ng oxygen ay nagkakaroon pa minsan ng delay dahil sa pagkaantala ng biyahe ng ferry boat pero mayroon naman silang buffer stock.

Facebook Comments