CBCP, mariing kinondena ang talamak na online gambling; pag-iisip ng tao, binabago umano ng sugal

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa paglaganap ng online gambling sa bansa.

Ayon sa CBCP, kahit nakaligtas na sa POGO at E-Sabong ay ito naman ang problema ngayon na kinakaharap ng lipunan.

Hindi anila namamalayan na dahil sa pagiging talamak ng online sugal ay marami na ang naaadik kasama na ang mga kabataan.

Iginiit ng CBCP na hindi sila laban sa pagsasaya pero sa katuruan ng Simbahang Katolika, mali ang pagsusugal lalo na kung nagdudulot ito ng pagkalulong o pagkaubos ng dapat sana ay para sa pamilya.

Hindi rin anila sugal ang sagot sa kahirapan lalo’t ipinapakita nito ang panganib sa kalusugan, mga krimen, karahasan, at banta sa kaligtasan.

Para naman sa mga nalululong, sinabi ng CBCP na kailangan ng mga ito ng malasakit, suporta at paggabay at hindi dapat ipahiya o husgahan lalo na’t binabago ng sugal ang pag-iisip at wastong pagpapasya ng isang tao.

Ang tunay na kalayaan anila ay hindi kalayaang gawin ang gusto kundi ang kalayaang kumawala sa pagkaalipin.

Una nang tinawag ni CBCP President Pablo Virgilio Cardinal David na “kabaliwan” ang umano’y pagkukunwari ng gobyerno na nababahala sa POGO pero ginawa namang legal ang sugal na may-acces pa ang lahat mapa bata o matanda 24/7 sa pamamagitan lamang ng cellphone.

Facebook Comments