Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na handa siyang gawing pilot area ang Cebu City para sa opsyonal na pagsusuot ng face mask.
Ito ay sinabi ni Abalos sa budget deliberations ng DILG sa House Committee on Appropriations ngayong araw.
Ayon kay Abalos, nagpapasalamat siya kay Cebu City Mayor Michael Rama dahil pumayag ang alkalde sa inirekomenda ng kalihim na ipagpaliban muna ang Executive Order (EO) No. 5 na nag-aalis ng mandatory face mask policy sa outdoor at open spaces sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Abalos, nangako siya kay Rama na dadalhin niya ito sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) sa susunod na linggo at hihilingin pa niya na maging pilot area ang nasabing lungsod para sa hindi pag-o-obliga na magsuot ng face mask.
Pero, aniya ay kailangan nating magkaroon ng proseso at mayroon tayong isang patakaran dito sa buong bansa.
Nangako rin si Abalos kay Palma at sa iba pang mambabatas na magkakaroon siya ng resolusyon sa usapin na mas mabilis.
Samantala, para kay Philippine College of Physicians immediate past President Dr. Maricar Limpin ay dapat maghinay-hinay ang Cebu City Government sa pag-alis ng mandatory na paggamit ng face mask sa kanilang nasasakupan.
Paliwanag ni Limpin, kahit na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa ngayon ay posibleng sumipa muli ito lalo’t balik face-to-face classes na ang mga mag-aaral.