Hindi kailangan ngayon ang Charter Change.
Ito ang iginiit ni Senator Grace Poe matapos maghain si Senator Robin Padilla ng panukala para amyendahan ng Kongreso bilang Constituent Assembly ang economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Poe, naisaayos na ang usapin pagdating sa economic provisions matapos maipasa ang Public Service Act at Trade Liberalization Act.
Aniya, ang dalawang batas na ito ay naglalayon na mas makahikayat ng maraming investments, mas maraming trabaho at paglago ng ating ekonomiya.
Dahil dito kinukwestyon tuloy ni Poe kung may iba pa bang agenda sa pagsusulong ng Cha-Cha para sa economic provisions kung ito ay nabigyang linaw naman na noong nakaraang Kongreso.
Katunayan aniya, hindi na itinuloy ng nakaraang pamahalaan ang pagsusulong ng Cha-Cha para sa economic provisions dahil nakita na ang Kamara at Senado ay nagpatibay ng mga batas na makakatulong sa pagluwag ng mga restrictions sa ating ekonomiya.