Chinese research vessel na Shen Kou, nagpatay ng automatic identification system

Kahit na nakalabas na ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang Chinese research vessel na Shen Kou patuloy parin itong binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nagpatay kasi ng Automatic Identification System (AIS) ang Shen Kou.

Ang AIS ay ginagamit upang ma-transmit o malaman ang posisyon ng isang barko.


Unang namataan ang research vessel sa isla ng Rapu Rapu sa Albay noong April 25 at pagkatapos ay sa binisidad naman ng Viga, Catanduanes noong April 28 at huling nakita sa baybayin ng Sulat, Eastern Samar.

Nabatid na naglayag mula sa Shekou Wharf, Shenzhen, Guangdong, China ang barko noong April 19.

Nauna nang sinabi ni Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodre Roy Vincent Trinidad na na-monitor nila na nagbaba ng unidentified equipment ang Shen Kou sa silangan ng Catanduanes na posibleng gamit sa maritime research.

Sa ngayon, patuloy pang kumakalap ng impormasyon ang Sandatahang Lakas upang mabatid kung ano ang ginawa ng research vessel sa loob ng ating teritoryo.

Tuloy rin ang Maritime patrol ng AFP upang matiyak na wala na talaga sa loob ng EEZ ang Shen Kou.

Facebook Comments