Pinaalalahanan ni Senator Grace Poe ang mga lokal na pamahalaan na huwag iiwan ngayong Semana Santa ang mga animal pound sa kanilang lugar.
Kaugnay ito sa isa pang kaso ng pagpapabaya sa isang city pound sa Cavite kung saan nag-viral sa social media ang mga pusang kumakain ng kapwa pusa matapos na mapabayaan at hindi pakainin ng barangay na nakasasakop.
Ayon kay Poe, kahit na Holy Week break ay obligasyon ng mga city pound na bantayan, pakainin at alagaan ang mga hayop na nasa kanilang pangangalaga.
Iginiit ng senadora na kahit isa man lamang ay may naka-duty na sisilip sa mga shelter upang pakainin ang mga hayop.
Ang mga city pound aniya ay pasilidad na pinopondohan ng gobyerno kaya responsibilidad ng lokal na pamahalaan na tiyaking maayos ang kundisyon at napapakain ang mga hayop bago kunin ng mga may-ari o kaya ay may umampon.