Comelec, pinaghahandaan pa rin ang Barangay at SK elections sa kabila ng planong pagpapaliban nito

Inihayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na kanila pa rin pinaghahandaan ang Barangay at SK elections sa darating na Disyembre.

Ito’y kahit pa may inihain na panukala sa Kongreso na ipagpaliban muna ang nasabing halalan.

Sinabi ni Chairman Garcia sa pagdalo nito sa unang flag raising ceremony sa tanggapan ng Comelec, wala pa naman desisyon hinggil sa gagawing botohan kaya’t tuloy-tuloy lang ang kanilang mga tauhan sa paghahanda rito.


Aniya, hindi kasi kaparehas ng national and local elections ang proseso sa Barangay at SK elections kung saan mano-mano ang gagawing botohan gayundin ang bilangan.

Sinabi pa ni Garcia na bukod sa kanilang mga tauhan, magsasagawa rin sila ng training sa mga guro na tutulong sa Barangay at SK elections upang maging pamilyar sila sa manual na botohan.

Dagdag pa ni Garcia, maiging matuloy na ang nabanggit na eleksyon kung saan handa naman ang Comelec sakaling matuloy ito at kung malilipat din ng petsa ang botohan.

Facebook Comments