Commuters’ group, nakiusap sa DOTr na magbigay ng konsiderasyon sa pagmumulta sa mga tsuper na lalabag na “No vax, No ride” Policy

Nakiusap ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Department of Transportation (DOTr) na huwag agad pagmultahin o tanggalan ng prangkisa ang mga tsuper na magsasakay ng mga hindi bakunado.

Ayon kay LCSP Founding President Atty. Ariel Inton, nakita naman nila ang kooperasyon ng kapwa mga pasahero at driver sa “No vax, No ride” Policy.

Pero aniya, sa dami ng mga pasahero ay hindi maiiwasan na may ilan pa ring makakalusot.


“Ang akin nga pong pakiusap sa DOTr, kung sakali mang matiyambahan ng mga enforcers yung mangilan-ngilan na makakalusot despite sa effort ng ating mga driver e ‘wag naman tayong mag-penalize kaagad nang napakalaking halaga o mawalan ng prangkisa,” giit ni Inton sa panayam ng RMN Manila.

“Kapag ganon kasi, mababawasan yung public utility vehicles natin, mas mahihirapang sumakay ang mga tao, mas mahihirapang sumunod sa social distancing dahil magkakaroon ng siksikan d’yan,” dagdag niya.

Nabatid na pagmumultahin ng P10,000 ang mga driver at operator na lalabag sa “No vax, No ride” Policy.

Kasabay nito, iminungkahi rin ni Inton sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglabas ng iisang form na susundin ng mga barangay sa pagbibigay ng exemption certificate sa mga hindi bakunado pero kinakailangang lumabas.

Dapat din aniyang tiyakin na hindi ito mapupulitika.

“Kung maaari ang DILG, maglabas na ng uniform na form para d’yan para madali, na simpleng form na susundin ng mga barangay para sa ganon… hindi sasabihin ng mga enforcers na gawa-gawa lang yan at madali rin para sa mga pasahero,” saad pa niya.

“At ang mga barangay captain naman, e, alam mo panahon ng pulitika baka, ‘ay hindi, kalaban’ e wag na po nating pairalin ang pulitika dito, bigyan kung kinakailangan,” giit ni Inton.

Facebook Comments