Hindi na bago ang kahilingan ng ilang transport group na ‘surge fee’ sa gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.
Ito ay kasunod nang hiling ng Pasang Masda kasama ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Association of Concerned Transport Organizations (ACTO) ng pisong dagdag-pasahe sa jeep at dalawang piso sa bus tuwing rush hour.
Sa panayam ng RMN Manila kay Atty. Ariel Inton, President ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), sinabi nito na noon pa ang ganyan panawagan ng mga transport group, kung saan pinapatupad na ito sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS).
Sinabi pa ni Inton na magkakaroon ng malaking problema sa bahagi ng mga commuters kung pahihintulutan ito.
Kaya naman, suhestyon ni Inton sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magsagawa na lang sila muna ng pagpupulong sa mga transport group, kesa maghain pa ng petition ang mga ito.
Samantala, tutol din si United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) Founder Rodolfo Javellana Jr., sa kahilingan na ‘surge fee’.
Ayon kay Javellana, hindi lang naman ang mga tsuper ang matindi ang pinagdaanang hirap dahil sa sunod-sunod na pagsirit ng presyo ng petrolyo, kundi pangkalahatan na publiko na rin ang hirap sa kanilang kabuhayan.