COVID-19 beds sa mga private at public hospitals, dadagdagan pa

Dadagdagan pa ang COVID-19 beds sa mga pampubliko at pribadong ospital sa bansa upang matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nahawaan ng COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na pabilisin ang pagbabayad sa mga ospital ukol sa mga COVID-19 claim nito, maraming ospital sa bansa ang naengganyo umanong magdagdag ng higaan para sa kanilang tutugunang pasyente.

Ang nasabing hakbang ay isa rin sa ikinonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) para isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR Plus.


Ang commitment ay nagmula sa 104 na mga pribadong at pampublikong ospital sa NCR Plus, kung saan target ang karagdagang 164 critical ICU beds at 1,157 COVID-19 regular beds para sa moderate at severe cases.

Ang iba pang dagdag na capacity ay ang mga sumusunod:

110 beds sa Quezon Institute para sa moderate at severe cases ng COVID-19;
960 beds sa National Center for Mental Health para sa moderate COVID-19;
300 beds sa Manila Times College sa Subic para sa mild at asymptomatic cases;
165 beds sa New Clark City Tarlac para sa mild at asymptomatic;
200 beds, Eva Macapagal Terminal sa Maynila, para sa mild at asymptomatic;
At 100 beds sa Orion Bataan Pork Terminal para sa mild at symptomatic cases

Sumatotal ito ng 3,156 beds sa NCR Plus.

Facebook Comments