Nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng COVID-19 mass vaccination simulation exercise para sa mga senior citizen.
Ikinasa ang aktibidad sa Legarda Elementary School, kung saan nakibahagi ang nasa 100 na mga lolo at lola na pawang residente ng Maynila.
Mismong ang Manila Health Department (MHD) sa pangunguna ng Director nito na si Dr. Arnold Pangan ang nagsagawa ng aktibidad base na rin sa direktiba ni Mayor Isko Moreno.
Ayon kay Dr. Pangan, ikinasa nila ang simulation upang matiyak na magiging plantsado ang immunization sa lungsod sakaling dumating na ang mga suplay ng bakuna kontra COVID-19.
Paraan din daw ito para masanay ang mga medical frontliner na siyang gagabay sa mga senior citizen at malaman rin ang iba pang isyu na posibleng maranasan sa mismong araw ng pagbabakuna.
Isa rin sa mahalagang ginawa sa simulation ay ang pagtukoy kung may kasalukuyang sakit ang mga senior citizen kung saan tinatanong sila kung nakakaranas ng highblood pressure, hika at iba pang underlying conditions, na mahalaga sa vaccination.
Sinabi pa ni Dr. Pangan na higit 157,000 ang mga senior citizen sa buong Maynila kaya’t malaking hamon para sa lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa kanila.
Aniya, inaasahan nila na hindi lahat ay magpapabakuna dahil ilan sa kanila ay may pangamba o alinlangan, kaya’t dahil dito patuloy nilang hinihimok ang mga lolo at lola na magtiwala sa pamahalaan.