Pinapawalang bisa ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang lisensiya ng isang Certified Public Accountant (CPA).
Ayon kay Commissioner Lumagui, ang nasabing CPA na si Jennifer Roncesvalles ang isa sa mga kasabwat sa sindikato ng mga ghost corporation na nagbebenta ng pekeng resibo.
Nabatid na umaabot sa ₱25.5 bilyon ang nawawalang kita para sa gobyerno dahil sa iligal na gawain.
Mismong si Commissioner Lumagui ang personal na naghain ng reklamong administratibo sa tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) upang tuluyan ng ipawalang bisa ang lisensiya nito.
Aniya, ang nasabing CPA ang siyang sumusuri at nag-audit ng financial statement ng mga ghost corporation kung saan sinesertipika niya ang mga gawa-gawang dokumento upang mag-mukhang orihinal kahit pa iligal.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ni Commissioner Lumagui ang ibang public accountant na gawin ng tama ang trabaho lalo na sa usapin ng tamang pagbabayad ng buwis at huwag turuan ng mali ang publiko.
Nabatid na bukod sa reklamong administratibo at pagpapawalang bisa ng lisensiya sa PRC, nahaharap din sa kasong krimen ang public accountant sa Department of Justice (DOJ).