DA, magpaparami ng isdang tamban sa loob ng hatchery upang mapatatag ang suplay ng pagkain

Target ng Department of Agriculture (DA) na magparami pa ng isdang tamban upang mapatatag ang suplay ng pagkain.

Sa kasalukuyan, may 232 buhay na tamban na inaalagaan sa Freshwater Fisheries Research and Development Center (FFRDC) sa Taal, Batangas, at sa Tamban Hatchery Facility sa Tigbauan, Iloilo.

Ang tamban na isang marine o saltwater species at kabilang sa mga isdang sardinas, ay isa sa mga pinaka-abot-kaya at malawakang kinokonsumo ng mga Pilipino.

Noong 2023, pumangalawa ang sardinas bilang pangunahing huling isda mula sa likas-yamang dagat.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), may kabuuang produksyon na 314,147.30 metriko tonelada o katumbas ng 16.7 porsyento ng kabuuang produksyon, na nagkakahalaga ng P13.81 bilyon.

Dahil nananatiling hindi pa nasusubukan ang pinakamainam na teknolohiya sa pag-aalaga ng tamban sa aquaculture, ang National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI), ay nagsimula ng isang makasaysayang inisyatibo para paramihin ang Bali sardinella (Sardinella lemuru) o mas kilala sa tawag na “tamban” sa loob ng hatchery.

Facebook Comments