Binalaan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Agriculture Secretary William Dar na mahaharap sa reklamo sa Ombudsman kung hindi pa rin ito sisipot sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole kaugnay sa agricultural smuggling.
Ayon kay Sotto na posibleng magaya si Dar sa naging kapalaran ng ilang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) officials na maharap sa kaso sa Ombudsman kaugnay sa sinasabing anomalya sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Matatandaang sa nakalipas kasing tatlong pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa isyu ng smuggling at importation ay absent si Dar.
Muling iginiit ni Sotto na nagsisimula ang agricultural smuggling sa pagpayag ng ahensya na magkaroon ng bultuhang importasyon ng mga gulay kahit may sapat ng suplay sa bansa.
Una na ring hiniling ni Sotto sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang listahan ng mga opisyal na umano’y sangkot sa agricultural smuggling.