Aalamin ng Department of Agriculture (DA) kung may nangyayaring pork smuggling.
Kaugnay ito sa pahayag ni Senador Kiko Pangilinan na may naipupuslit papasok ng bansa na aabot sa 30 million kilos ng karne ng baboy.
Sa virtual press briefing sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na pinasisilip na nila ang mga datos mula sa Bureau of Customs (BOC) at sa Bureau of Animal Industry (BAI) upang malaman kung bakit hindi nagkakatugma ang mga datos sa pumapasok na imported pork meat sa bansa.
Nauna rito, sinabi ni Pangilinan na batay sa datos ng BOC, may kabuuang 225 million kilos ng karneng baboy na nagkakahalaga ng P16 billion ang inangkat noong 2020.
Pero sa datos ng BAI na siyang nag-iinspeksyon, nasa 256 million kilos ang nakadeklara.
Ginawa ni Pangilinan ang pagkwestyon sa discrepancy sa datos ng BOC at BAI sa isinagawang imbestigasyon sa food security crisis dulot ng African Swine Fever (ASF).