Nakikita ng isang labor group na solusyon ang dagdag na sahod sa mga manggagawang Pilipino para mapataas ang employment rate at mapalago ang ekonomiya ng bansa.
Kasunod ito ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa nitong buwan ng Marso.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Federation of Free Workers President Atty. Sonny Matula na hindi umuunlad ang ekonomiya ng bansa dahil karamihan sa mga pilipino ay walang pambili.
Paliwanag ni Matula, kapag may pera ang mga Pilipino ay ibinibili rin nila ito ng produkto at serbisyo sa komunidad kaya iikot lang din aniya ito sa ating ekonomiya.
“Kapag kumikita ang manggagawa, lumalago ang ating ekonomiya. Yung argumento pag tinaasan mo ang sahod, maraming matatanggal sa trabaho na ina-argue ng ating employers palagay ko ay kaibahan sa tunay na buhay sa praktikal na buhay. So kapag may pera ang manggagawa lalo na yung last quarter ng taon ay siyempre tumataas ang empley. Natutubos ng maraming produkto at serbisyo ang naibibigay kasi may purchasing power yung ating ang mga mamamayan, ating manggagawa na mga consumers din.”
Kasunod nito, iminungkahi ni Matula na panahon na para ipatupad ang dagdag na P150 sa buwanang sahod ng mga manggagawang Pilipino dahil tatlumpu’t limang taon na rin nang huling magkaroon ng wage increase sa bansa.
“Sa statistika, tumaas ang empleyo during that time tumaas ang ating gross national product after i-increase ng almost 40% sa mninmum wage nationwide kaysa sa palagay ko history ay walang patunay na kapag tinaas ang sahod ay tataas ang inflation at magtanggalan sa trabaho.”