Nagsagawa ng launching ceremony ang Philippine Navy para sa dalawang bagong gawang fast attack interdiction craft sa Haifa, Israel nitong Linggo.
Ang launching ceremony ay sinaksihan ng delegasyon ng Philippine Navy na pinangunahan ni Commodore Alfonso Torres Jr., Chairperson ng Pre-Delivery Inspection Team, at Commodore Roy Vincent Trinidad, Chairperson ng Fast Attack Interdiction Craft (FAIC) Acquisition Project Management Team.
Pinuri naman ni Commodore Torres ang magandang kooperasyong pangdepensa ng Pilipinas at Israel sa naunang Multi-Purpose Assault Craft (MPAC) program ng Philippine Navy.
Naging daan aniya ito para sa FAIC Acquisition Project, kung saan kasama sa kasunduan ang “Transfer of Technology”, na kauna-unahan sa kasaysayan ng kooperasyong pandepensa ng dalawang bansa.
Kasunod ng launching ceremony, ang dalawang barko ay sumailalim sa pre-delivery inspection mula kahapon hanggang sa Hunyo 30, bago pormal na i-turn over sa Philippine Navy.