Pina-contempt at pinakulong ng 30 araw sa Batasan Complex ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del norte 2nd district Representative Robert Ace Barbers si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang.
Pasya ito ng komite makaraang mabigo si Tumang na ituro ang inihayag niya sa isang press conference na indibidwal na nagsabi sa kanya kung ano ang napag-usapan sa executive session ng komite kaugnay sa pagdinig nito ukol sa narekober na 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Humingi ng paumanhin si Tumang sa mga mambabatas at ipinaliwanag na hindi niya alam ang committee rules na nagbabawal sa paglalabas ng impormasyon mula sa executive session.
Iginiit naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop na hindi sapat ang dahilan ni Tumang para palagpasin ang pagkakasala nito.