Naniniwala ang isang political expert na tinanggal at hindi kusang bumaba sa pwesto si dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng political analyst na si Atty. Edward Chico na posibleng may impluwensya ang Malacañang sa pagpapatalsik kay Zubiri o nawalan na ng kumpyansa ang mga kapwa niya senador.
“Papalit-palit sila ng loyalty kaya kung meron maging pangulo na nahalal, pansinin mo after dalawa, tatlong buwan halos lahat kakampi na niya, mayorya na. At kung sakaling babagsak siya sa pabor ng pangulo halimbawa ay maaari siyang matanggal. Or if that’s not the case, bumagsak din ‘yung pabor niya sa mga kapwa niya senador.”
Kaugnay nito, iginiit ni Chico na hindi permanente ang pagiging Senate president dahil gaya ni Zubiri ay posible ring mapalitan si Senate President Chiz Escudero anumang oras.
“Dito, kung ikaw ay nahalal na Senate president, hindi stable ‘yan, any moment pwedeng isang buwan ka lang, dalawang buwan ka lang, tatlong buwan ka lang ay maaari kang palitan kapag hindi ka epektibo sa tingin ng mga tao na nagsasabi na dapat ikaw ang nandiyan.”
Samantala, sinabi naman ni Chico na makahulugan ang desisyon ni Zubiri na maging independent dahil posibleng umaasa pa ito na makakabalik muli siya sa pagiging Senate president.
“It’s a good political move for someone like him who’s been a veteran. The fact na naging independent siya is also very very telling, ibig sabihin hindi siya handang maging oposisyon. Ibig sabihin, hindi niya talaga tuluyang tinutuldukan kung anong relasyon meron man siya halimbawa sa Malacañang or relasyon man halimbawa sa mga taong responsable para siya maging Senate president, at bukas siya sa anumang pwedeng mangyari.”