Ex-MILF spox, hiniling sa SC na ideklarang labag sa batas ang pagpapaliban sa Bangsamoro Parliamentary Elections

Hiniling ni Eid Kabalu na dating tagapagsalita ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Republic Act 12123 o ang batas na muling nagpaliban sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Oktubre 2025.

Ayon kay Kabalu, nilabag ng RA 12123 ang Konstitusyon sa ilan mga dahilan tulad ng hindi pagsasagawa ng plebisito sa kabila ng malalim na pagbabago sa orihinal na Bangsamoro Organic Law.

Aniya, nilabag din nito ang mandato ng sabayang halalan para sa lahat ng lokal at pambansang posisyon at mapapaikli sana nito ang tatlong taong termino ng halal na opisyal ng Bangsamoro kung matutuloy ang halalan.

Giit pa ni Kabalu, walang kapangyarihan ang Kongreso na i-reset ang nasabing halalan nang walang basbas ng mamamayan.

Paliwanag pa ni Kabalu, ang Bangsamoro Organic Law ay bunga ng dekadang pakikibaka ng Bangsamoro para sa tunay na awtonomiya at hindi ito dapat baguhin nang walang pahintulot ng mamamayan sa rehiyon.

Muli niyang sinabi na ang maayos at sabayang halalan sa 2028 ang siyang konstitusyonal na direksyon alinsunod sa batas at pagkakaisa ng Bangsamoro sa pambansang kaunlaran.

Facebook Comments