Panabo City, Davao del Norte—Makaraang masiguro ang suporta ng mga kaalyado sa kani-kanilang mga bayan—ang Imus, Cavite at Quezon City—nagtungo sa lalawigang ito sina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa ikaapat na araw ng kampanya para mapatibay ang kanilang suporta.
Inabangan ng mga taga-Davao ang pagbisita ng Lacson-Sotto tandem ngayong Biyernes para ilatag ang kanilang mga plataporma kasama ng mga senatorial candidate na sina Dra. Minguita Padilla, dating Makati Congressman Monsour del Rosario, at dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
Isinagawa ang campaign rally ng team Lacson-Sotto sa Panabo Multipurpose Tourism Cultural and Sports Center. Pagkatapos nito ay nagtungo sila sa Davao del Norte Sports Complex upang makasalo sa tanghalian ang mga kaalyado nilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa pagkasabik ng kanilang mga supporter, marami ang nag-abang sa mga dinaanang lugar nina Lacson. Dala ang kanilang mga banner na naglalaman ng mensahe ng pagsuporta, mainit na sinalubong ng mga residente ang mga kandidato ng Partido Reporma.
“Well, siyempre, bailiwick naman ito nina Speaker Alvarez, ano, I would say Partido Reporma, so ‘yung mga dinaanan namin even outside Davao del Norte, maganda. Along the highway, we were greeted very warmly ng mga tao,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag.
Itinuturing na balwarte ng Lacson-Sotto ang Davao del Norte sa Mindanao dahil sa malakas na alyansa ng Partido Reporma kay dating House Speaker at Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez at kasalukuyang Governor Edwin Jubahib, na pawang nangako na tutukuran nila ang kampanya ng tandem.
Pagkalapag sa Davao City Airport, agad isinagawa team Lacson-Sotto ang kanilang campaign rally sa Panabo City kung saan naghintay ang nasa 2,000 supporter na ikinagalak ang kanilang pagdalaw.
Mahigpit na ipinatupad ang physical distancing sa campaign rally na dinaluhan din ng mga alkalde, bise alkalde, konsehal, at mga opisyal ng barangay sa Panabo City, Tagum City, Island Garden City of Samal, Santo Tomas, Carmen, Kapalong, San Isidro, New Corella, Asuncion, Dujali at Talaingod.
Ayon kay Jubahib, ngayon pinakakailangan ng mga Pilipino ang isang lider na kagaya ni Lacson na hindi korap at may mabuting puso at intensyon na magsilbi sa publiko at solusyonan ang dekada nang problema ng bansa sa rebelyon, kawalan ng trabaho, at kahirapan.
“Tayo tuwing eleksyon every six years, nag-e-elect tayo ng presidente, bise presidente, senators at local candidates. Bakit ginagawa natin? Dahil nangangarap tayo na makapili ng isang pinuno na tatapos ng problema na hinaharap natin mula noon hanggang ngayon,” sabi ng DavNor governor.
“At ang paniniwala ko, ang makapagtatapos sa problema ng Pilipinas (ay) walang iba (kundi sina) Senator Ping Lacson at si Senator Tito Sotto at ang [aming mga kandidato para] senador,” sabi ni Jubahib.
Inilahad ng Lacson-Sotto ang isinusulong nilang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na susi para masugpo ang katiwalian sa pamahalaan at kahirapan ng mga nasa kanayunan.
Sa pamamagitan ng programang ito, maibababa ang pondo ng pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan para mapaunlad ang kanilang sariling komunidad.
“Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng mga Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw” ang sinisigaw na mithiin ng Lacson-Sotto sa kanilang krusada sa Halalan 2022. ###