DBM, nanindigan na naaayon sa Konstitusyon ang UA sa 2026 budget

Inirerespeto ng Department of Budget and Management (DBM) ang karapatan ng sinumang indibidwal o opisyal na gumamit ng judicial remedies.

Ito ay matapos na maghain kanina ng petisyon sina House Senior Deputy Minority Leader Edgar Erice at Deputy Minority Leader Leila De Lima para kuwestiyunin ang unprogrammed appropriations sa 2026 National Budget.

Ayon sa DBM, hindi pa nila natatanggap sa ngayon ang official copy ng petisyon.

Pero aaralin daw nila itong mabuti at isusumite sa Office of the Solicitor General na siyang kumakatawan bilang counsel para sa gobyerno ng Pilipinas.

Sa kabila nito, muling nanindigan ang DBM na naaayon sa Saligang Batas ang UA batay na rin sa pinagtibay noon ng Korte Suprema na maaari lamang itong ilabas kapag may malinaw na fiscal condition na sasailaim sa mahigpit na validation at control.

Hindi rin anila ito parang blangko na cheke na gagaamitin sa paggastos.

Ipinunto rin ng Budget Department na ang P150.9 billion na unprogrammed appropriations ang pinakamababa mula noong 2019 na dulot na rin ng disiplina sa paggastos at safeguards sa kasalukuyang budget.

Facebook Comments