Duda si Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa pagkakabinbin sa pamamahagi ng fuel subsidy para sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers at operators.
Ito’y makaraang makatanggap ng mga reklamo ang opisina ng kongresista mula sa drivers na hanggang ngayon ay hindi pa rin naibibigay sa kanila ang P6,500 na fuel subsidy.
Matatandaang sinimulang ipamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB noon pang March 15 ang fuel subsidy pero pansamantala itong itinigil dahil sa election ban ngunit nabigyang pahintulot din matapos na mabigyan ng exemption ng Commission on Elections o COMELEC.
Hinala naman ni Gaite, sinadyang ipitin ang distribusyon ng fuel subsidy at saktong ibibigay ito ilang araw bago ang halalan.
Mistula aniyang hostage para sa eleksyon ang ayuda para sa mga mahihirap na tsuper.
Aniya pa, maliit na nga ang ayuda ay napupulitika pa ang pamimigay nito.
Nanawagan ang kongresista sa LTFRB at Department of Transportation o DOTR na kumilos agad para hindi magamit sa politika at maipamahagi na ang nasabing suporta sa drivers.