Kinastigo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Makabayan bloc sa Kongreso dahil pinapaniwala ang pamilya Absalon na makakamit ang hustisya sa pamamagitan ng Joint Monitoring Committee (JMC).
Ayon kay Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, matagal nang disbanded ang JMC simula nang gumuho ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Giit ni Malaya, sa halip na maghain ng reklamo sa disbanded na JMC, idiretso na lamang ang pagsasampa ng kaso sa mga korte upang litisin ang mga iba pang miyembro ng NPA na nasa likod ng pagkamatay ng magpinsang union leader Nolven Absalon at footballer Keith Absalon.
Hinamon ni Malaya ang Makabayan bloc na i-pressure ang CPP-NPA na isuko ang mga nasa likod ng pagkamatay ng magpinsan.
Dapat din aniyang kundenahin ng Makabayan bloc at ng kanilang mga allied organization ang paggawa, pag-iipon, pag-biyahe at paggamit ng anti-personnel mines ng NPA.