Disyembre 2021 Net Satisfaction Rate ni VP Leni, 1% na lamang

Bumagsak ang net satisfaction ratings ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo, sa inisyal na resulta ng December 2021 national survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).

Inilahad ni SWS president at CEO Linda Luz Guerrero ang resulta sa 2022 SWS Survey Review forum na inorganisa ng Asian Institute of Management at Konrad Adenauer Stiftung Foundation nitong Lunes, Pebrero 7, 2022.

Malaki aniya ang ikinalagapak ng ratings ni Robredo mula sa kanilang survey noong Setyembre, at noong huling survey bago magtapos ang 2021.


“When we ran this in September 2021, Vice President Leni Robredo was +24, but in December 2021, she was +1,” saad ni Guerrero.

Bukod kay VP Leni, bumagsak din ang ratings ni House Speaker Lord Allan Velasco na mula sa +8 noong Setyembre 2021 ay naging +5 na lamang noong Disyembre 2021.

Samantala, tumaas naman ang net satisfaction ratings ni Senate President Vicente Sotto III, na mula +46 noong Setyembre 2021, ay naging +52 noong Disyembre 2021.

‘Neutral’ naman ang naging resulta kay Chief Justice Alexander Gesmundo, na mula +2 noong Setyembre 2021 ay naging +7 sa survey noong Disyembre 2021.

‘Very good’ naman ang nakuhang net satisfaction ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte. Nakakuha siya ng +60, nang ibawas ang porsyento ng mga bumotong nasisiyahan sila sa pagganap ng pangulo sa kaniyang tungkulin sa porsyento ng mga bumotong hindi nasisiyahan.

Isinagawa ang survey mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021, sa 1,440 respondents. Magbibigay umano ang SWS ng media release para mailahad at matalakay ang naging resulta ng naturang survey.

Facebook Comments