DND, nakatakdang magsumite sa Senado ng amyenda sa espionage law

Magsusumite ang Department of National Defense (DND) ng kanilang mungkahing amyenda para sa espionage law.

Ayon kay Senate President Francis Escudero, bahagi ito ng kanilang naging pulong ni Defense Secretary Gibo Teodoro at iba pang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinalilinaw sa espionage law kung anong probisyon ang maaaring i-apply sa panahon na walang giyera.


Mahalaga ring maging malinaw kung anong mga impormasyon ang hindi dapat ilabas partikular na ang mga maikukunsiderang secret at top secret information.

Kaklaruhin din kung anong parusa ang magiging katapat para sa mga maglalabas ng ganitong sensitibong impormasyon ng gobyerno.

Matatandaang ibinulgar ng isang self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang sa Al Jazeera documentary na tulad niya ay isa ring espiya ng state security ng China si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Facebook Comments