DOH, kumpiyansang papaburan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyong huwag pa ring payagang makalabas ang mga minor

Hindi magbabago ang posisyon ng Department of Health (DOH) hinggil sa rekomendasyon nitong pagbawalan pa ring lumabas ng bahay ang mga bata kahit ngayong panahon ng kapaskuhan.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kung ano ang makakabuti sa kalusugan, iyon ang kanilang papanigan.

Giit ng kalihim, hindi naman exempted sa COVID-19 infection ang mga bata dahil maaari rin silang mahawa at makapanghawa.


Kumpiyansa rin si Duque na mas susundin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang rekomendasyon.

Aniya, consistent ang pangulo pagdating sa pagprotekta sa mga bata gaya na lamang ng pagbabawal nitong magsagawa ng face-to-face classes hangga’t walang bakuna.

“Si Pangulo naman, nakita natin, consistent siya. Yung no face-to-face classes di ba, naka-align yung policy ni Presidente sa proteksyon sa mga bata kaya nga hindi niya pinahintulutan. So yun pa lang magandang signal na yan na dapat sundin niyo ang DOH,” ani Duque.

Samantala, nakatakdang magpulong ngayong araw ang DOH at Inter-Agency Task Force para magkaroon ng iisang posisyon sa isyu.

Facebook Comments