Tiniyak ng Department of Health (DOH) ang buong suportang ibibigay sa mga residente sa Batangas kasabay ng muling pag-alburoto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapagpadala na sila ng mga COVID-19 antigen test kits sa mga evacuation centers na makakatulong sa libo-libong mga lumikas na indibidwal.
Nananatili namang positibo ang kagawaran sa ganitong sakuna at tiniyak ang kahandaan sa anumang posibleng mangyari.
Sa ngayon, maliban sa DOH ay nagkaisa na rin ang mga alkalde sa Metro Manila na magbigay ng bakuna para sa mga residente ng Batangas.
Paliwanag ni MMDA Chairman Benhur Abalos, nasa 7,500 doses ng Sinovac vaccines ang ipamamahagi ng lungsod ng Quezon, Manila, Mandaluyong, Taguig, Marikina at Parañaque.
Posible namang madagdagan pa ang mga ito dahil sabi pa ni Abalos, nangako na rin ang iba pang lungsod sa Metro Manila na magbibigay din sila ng mga bakuna sa mga susunod pang araw.
Ang mga bakuna ay agad naiturn-over noong Sabado at kasalukuyang itinuturok na sa ibat ibang evacuation center sa Batangas.