Magkatuwang ngayon ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) sa pagmo-monitor sa mga paaralan ngayong umiiral na ang face-to-face classes.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH-OIC Maria Rosario Vergiere na tuloy ang koordinasyon nila ng DepEd upang bantayan ang kalagayan ng mga bata.
Kasama na rin dito ang pagtugon sa COVID-19 gaya ng pagbabakuna sa mga paaralan.
Ani Vergeire, kung wala pang kapasidad ang mga eskwelahan na magkaroon ng sariling klinika, dapat ay may pakikipag-ugnayan na sa mga Rural Health Unit para tumugon sa mga kaso ng pagkakasakit sa mga paaralan.
May mga guro o tauhan din ang eskwelahan na itinalaga bilang safety officer na ang trabaho ay makipag-ugnayan sa mga health center kung may magkakasakit.