DOJ at kampo ni De Lima, wala pang kopya ng umano’y pagbawi ni dating BuCor OIC Rafael Ragos ng kaniyang testimonya laban sa senadora

Wala pang natatanggap ang Department of Justice National Prosecution Service (DOJ-NPS) ng kopya ng affidavit ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Officer-in-Charge Rafael Ragos kung saan binabawi nito ang kaniyang naunang salaysay laban kay Senator Leila de Lima.

Ayon kay NPS Head Benedicto Malcontento, hindi muna sila magbibigay ng komento hinggil sa pagbawi ni Ragos ng kaniyang salaysay na nag-uugnay sa senadora sa kalakaran ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Sinabi naman ni Atty. Bonifacio Tacardon, legal counsel ni De Lima na sinisikap din nilang makakuha ng kopya ng affidavit ni Ragos.


Aniya, mahalagang testigo si Ragos dahil ang mga affidavit nito ang pinagbasehan ng korte para mabasura ang apela ng senadora na makapagpiyansa at maibasura rin ang mga ebidensya laban sa kaniya.

Taliwas aniya ito sa binawing testimonya naman ng self-drug lord na si Kerwin Espinosa na hindi ginamit ng DOJ sa pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments