Dumistansya ang Department of Justice (DOJ) na tukuyin ang mga indibidwal na nag-ambag sa P10 milyong reward money sa makapagtuturo sa kinaroroonan ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito’y matapos kwestyunin ng kampo ni Quiboloy ang pagtanggap ng pera ng gobyerno mula sa pribadong sektor para gamiting pabuya laban sa pastor.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOJ Usec. Raul Vasquez na mahirap mag speculate sa bagay na ito at tanging ang Department of Interior and Local Government lamang ang makapagbibigay linaw nito.
Sinabi rin ni DOJ Usec. Jesse Hermogenes Andres na may obligasyon ang limang pundasyon o pillars ng justice system kasama na ang komunidad na makipagtulungan para sa pagbibigay ng hustisya.
Mahalaga rin aniya ang papel ng komunidad para sa paggagawad ng hustisya kaugnay ng alok na pabuya laban kay Quiboloy.
May pabuya man aniya o wala, ay tungkulin ng komunidad na bigyan ng pagkakataon ang inaakusahan na ipaliwanag ang kaniyang panig at linisin ang kaniyang pangalan.