DOLE, handang sumunod sa ayuda ban na ipatutupad ng COMELEC

Handang tumalima ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa sampung araw na pagbabawal sa pamamahagi ng lahat ng uri ng tulong na ipapataw ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, susunod ang DOLE sa ayuda ban ngunit magpapatuloy sa paghahatid ng social services kabilang sa mga apektado sa nangyaring pagputok ng bulkan.

Nabatid na naglaan ang DOLE ng P2.2 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged /Displaced Workers (TUPAD) Program.

Bahagi ito ng P2.57 bilyong pondo na ibinigay para sa DOLE Integrated Livelihood and Emergeny Employment Program na binubuo ng TUPAD at DOLE Integrated Livelihood Program.

Nauna nang pinaalalahanan ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang publiko sa ayuda ban mula ngayong araw hanggang May 12 o sampung araw bago ang 2025 midterm elections.

Kabilang sa sinasabing ayuda ay ang Assistance to individuals in Crisis Situations (AICS), TUPAD, 4Ps at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Facebook Comments