Nanindigan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi mandatory for employment ang pagbabakuna.
Reaksyon ito ni Labor Asec. Ma. Teresita Cucueco, kaugnay sa panawagan ng ilang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang IATF Resolution 148-B o COVID-19 mandatory vaccination para sa mga on site workers.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Cucueco na binibigyan naman ng option ang mga personnel na nagtrabaho on site na kung ayaw nilang magpabakuna ay maaari pa rin silang pumasok pero dapat silang sumalang sa regular na swab test at ang bayad dito ay mula sa sarili nilang mga bulsa.
Habang ang mga manggagawa naman na naka-work from home ay hindi minamandatong magpabakuna.
Paliwanag pa nito na ang pinapairal na Republic Act na 11525 ay hindi mandatory for employment ang bakuna dahil binibigyan naman ng pamahalaan ng options ang mga empleyado.
Samantala sa kabila nito, hinihimok ng DOLE ang mga manggagawa na magpabakuna hindi lamang para sa kanilang sariling kaligtasan at proteksyon kung hindi maging sa kani-kanilang pamilya at mga katrabaho.