Umarangkada na ang pagdinig ng Kamara ngayong araw ukol sa pagpalya ng air traffic management system ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA noong Enero 1.
Sa hearing ay humingi ng paumanhin at pang-unawa sa lahat lalo na sa mga naapektuhan sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Manuel Antonio Tamayo.
Dagdag pa ni Bautista, nai-report na nila kay Pangulong Bongbong Marcos na sa loob ng 24 oras simula nang magkaaberya ay naibalik na sa 90% ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Binigyang-diin naman ni Manila International Airport Authority o MIAA General Manager Cesar Chiong na agad nilang in-activate ang MIAA command center at inasistehan ang libu-libong mga pasaherong naapektuhan.
Sa pakikipag-ugnayan sa airline companies ay tiniyak din ni Chiong na maipagkakaloob sa mga pasahero ang tulong na kanilang kailangan ng libre lalo na sa mga byahe nilang nakansela.