Nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Deparment of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na mananatili ang implementasyon ng window hour policy at paggamit ng Integrated Terminal Exchange (ITX).
Kasunod ito ng anunsyo umano ni Deputy Presidential Spokesperson Atty. Kristian Ablan na maaari nang gamitin ng mga provincial bus operator ang kanilang bus terminals sa Metro Manila.
Ayon pa sa LTFRB, hindi kailanman naglabas ng kautusan na pagbawalan ang mga provincial bus na mag-operate sa labas ng window hour.
Sinabi pa ng ahensya na ang pagpayag sa paggamit ng private terminals ng mga provincial bus mula 10 PM hanggang 5 AM na window hour policy ng MMDA, ay hindi nangangahulugan na bibiyahe lamang sa itinakdang oras ang mga naturang bus.
Ang nasabing polisiya ay tugon sa reklamo ng mga provincial bus operator at upang makapagsakay ng pasahero sa gabi na papuntang Metro Manila.
Dagdag ng LTFRB na sa labas ng window hour policy, inaatasan ang mga provincial bus operators na gamitin ang Integrated Terminal Exchange (ITX) at hindi ang kanilang private terminals.
Lalo pa at napatunatayan na hindi ligtas ang paggamit ng mga ito matapos makitaan ng mga paglabag sa health at safety protocols sa isinagawang inspekayon ng ahensya.