Nakahanda na ang Department of Public Works and Highways o DPWH sa mga hakbang nito sakaling tumaas pa ang alerto dulot ng aktibidad sa Bulkang Mayon.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, all set na at naka-activate na ang Disaster and Incident Management Teams ng kanilang kagawaran sa mga rehiyon at mga distrito.
Nakapuwesto na rin ang nasa 30 kagamitan at 340 tauhan ng DPWH na bahagi ng kanilang Quick Response Teams.
Kabilang sa mga babantayan ng DPWH ang mga national road at tulay upang masigurong walang problema sa paghahatid ng mga kailangang serbisyo at produkto.
Maging ang mga alternatibong daanan ay tinukoy at ipinaalam na rin ng DPWH sakaling lumala ang sitwasyon kung saan hindi madaanan ang kalsada o kaya ay kailangan itong isara para na rin sa kaligtasan ng motorista.