Pinasisilip ng Makabayan bloc ang naganap na drug raid sa Davao de Oro na kinasangkutan ng dating tauhan ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa inihaing House Resolution 2342 ng Makabayan bloc, hinihimok ang House Committeee on Dangerous Drugs na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation.”
Tinukoy sa resolusyon ang drug operation ng mga otoridad sa isang beach party sa Brgy. Pindasan, Mabini noong November 6.
17 ang naaresto rito at nasamsam ang nasa ₱1.5 million na halaga ng mga shabu at iba pang party drugs.
Nais imbestigahan ng Makabayan ang alegasyon ng umano’y “cover-up” sa sinasabing pagkakasangkot sa iligal na droga ni Jefry Tupas, dating tauhan ni Mayor Sara na tumatayong Davao City Information Officer.
Nakasaad pa sa resolusyon na base sa pahayag ng mga suspek na nahuli, sinasabi kasing pinayagan daw ng raiding team si Tupas at iba pang kasama na umalis o makatakas sa raid.