Economic performance ng Pilipinas, ilalatag ni PBBM sa mga lider ng mundo at malalaking negosyante sa gagawing biyahe sa Switzerland

Ibibida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa harap ng global leaders at international chief executive officers sa Davos, Switzerland ang economic performance ng bansa.

Sa pre departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Carlos Sorreta na napapanahon ang pagpunta sa Davos ni Pangulong Marcos dahil sa ngayon ang bansa ay masigla nang bumabangon mula sa mga nakalipas na mga hamon, at ang projections sa paglago ng ekonomiya ay nananatiling mataas.

Binigyang diin ni Sorreta na ang world economic forum ay nananatiling nangungunang forum para sa mga lider sa mundo at mga lider na negosyante para magsama-sama, makipag-ugnayan sa isa’t isa at makabuo ng mga ideya at plano para tugunan ang maraming hamon at oportunidad.


Ayon kay Sorreta, inaasahang sasali si Pangulong Marcos sa high level dialogue session kasama ang iba pang lider tulad ng South Africa, prime minister ng Belgium at president ng European Union Commission.

Nakatakda ring talakayin ni Pangulong Marcos ang isyu ng global nutrition sa gagawing stakeholders dialogue at meron din itong business meetings.

Tema ng world economic forum ngayong taon ay cooperation in a fragmented world.

Facebook Comments