Hinimok ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pamahalaan na maglatag ng mas epektibong lockdown policy sa gitna na rin ng tumataas pang kaso ng COVID-19.
Giit ni Quimbo, asahan na ang negatibong epekto sa ekonomiya ng ipinapatupad ngayon na “NCR plus bubble”.
Umaapela ang kongresista, isa ring ekonomista, na magkaroon sana ng lockdown policy na hindi lamang tutugon sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 kundi magbibigay solusyon din sa pangangailangang pang-ekonomiya ng bansa.
Aniya, hangga’t wala pang herd immunity ay patuloy na mahihirapan ang mga negosyo.
Sinabi ni Quimbo na para maging mabisa ang lockdown habang nilalabanan ang COVID-19 ay panahon na aniyang isabatas ang Bayanihan 3 Law.
Ang Bayanihan 3 aniya ang susi para maging epektibo ang lockdown dahil kakailanganin aniya ng ayuda kapag bumabagal ang economic activity sa bansa.
Inihalimbawa ni Quimbo ang mga mahihirap na pamilya na mangangailangan ng tulong habang sila ay tumatalima sa quarantine habang ang mga manggagawa ay dapat may kita pa rin lalo na kapag kinailangan na mag-isolate at hindi muna makapagtrabaho.
Dagdag pa aniya dito ang mga barangay na dapat ding matulungan lalo na sa pagbibigay ng relief goods at pagsubaybay sa mga tao.